标题:Kontra-Gahum: Pagsipat sa Tema, Pilosopiya at Ideolohiya ng Piling Kontemporaryong Tulang Radikal Tungo sa Kontekstwalisasyon ng Kritisismong Marxista
期刊名称:Dalumat : Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Filipino
电子版ISSN:2094-4187
出版年度:2010
卷号:1
期号:1
出版社:Philippine e-journals
摘要:Sa panahon ng walang habas na globalisasyong pang-ekonomiko at sa kabila ng pagkalugmok nito sa kumunoy ng matinding krisis, patuloy na nangingibabaw sa ekonomiya ng Pilipinas ang Estados Unidos at mga kaalyado nito. Tumatagos sa edukasyon, kultura at panunuring pampanitikan ng Pilipinas ang ganitong gahum, hegemonya o pangingibabaw ng mga pamantayang kanluranin at/o banyaga. Gayunman, sa pagtindi ng pandaigdigang krisis, dumarami ang mga mamamayan na nagsisimula nang tumutol sa hegemonya sa ekonomya at kultura ng Estados Unidos, ang nangungunang bansang tahas na kapitalista. Sa larangan ng panitikan, unti-unting lumalakas ang mga panawagan at pagtatangkang ikiling ang panunuring pampanitikan mula sa pagbibigay-tuon sa porma tungo sa pagbibigay-diin sa nilalaman. Nanunumbalik sa kontemporaryong diskurso ang pagtanaw sa panitikan bilang salamin ng lipunan, sa halip na bukod na entidad. Muling nabubuhay ang interes ng mga akademista sa kritisismong ginagabayan ng Marxismo. Kakatwa na sa ganitong proseso, mga padrong kanluranin at/o banyaga pa rin ang nangingibabaw. Hindi pa gaanong marami ang mga kritikong kagaya nina Epifanio San Juan, Rosario Torres-Yu, Elmer Ordoñez, Bienvenido Lumbera at Rolando Tolentino na nangangahas na sumalungat sa gahum ng mga pormalista sa pamamagitan ng indigenisasyon ng kritisismong Marxista sa konteksto ng karanasan ng mga Pilipino. Sa ganitong diwa, tinangka ng papel na ito na mag-ambag sa kontekstwalisasyon ng kritisismong Marxismo sa panitikang Filipino. Binaybay ng papel na ito ang kasaysayan at pag-unlad ng kritisismong Marxista sa Pilipinas, mula sa pagsisimula ng hegemonyang Amerikano hanggang sa panahong kontemporaryo, bilang batayan ng pagsipat sa piling kontemporaryong tulang radikal ni Bienvenido Lumbera, isang Pambansang Alagad ng Sining at Ramon Magsaysay Awardee sa larangan ng panitikan. Sinipat ng papel ang tema, pilosopiya at ideolohiyang nangingibabaw sa mga paksa ng tula, sa tanglaw ng mga luma at bagong kaisipan, katutubo man o banyaga, kanluranin man o oriental, upang makatulong sa paglinang ng paggamit at kontekstwalisasyon ng teoryang Marxismo sa panunuring pampanitikan sa Pilipinas.